-- ADVERTISEMENT --

Opisyal nang idineklara ng World Health Organization ang pagtatapos ng hantavirus outbreak na iniugnay sa cruise ship na MV Hondius matapos makumpleto ng huling indibidwal na na-expose sa virus ang quarantine period at magnegatibo sa pagsusuri.

Ayon sa WHO, umabot sa 13 katao ang nahawahan sa naturang outbreak, habang tatlo ang nasawi. Ang mga kaso ay iniugnay sa Andes virus infection, isang bihirang uri ng hantavirus na karaniwang matatagpuan sa Argentina at Chile.

Nagsimula ang insidente matapos bumiyahe ang MV Hondius mula Argentina noong Abril 1. Sa mga sumunod na linggo, natukoy ang mga nahawaang pasahero at crew na agad namang isinailalim sa contact tracing, monitoring, at quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Matapos walang maitalang bagong kaso at magnegatibo sa virus ang huling taong isinailalim sa quarantine, sinabi ng WHO na natugunan na ang lahat ng pamantayan upang ideklarang tapos na ang outbreak.

Ang hantavirus ay isang sakit na naipapasa mula sa mga infected na daga sa pamamagitan ng exposure sa kanilang ihi, dumi, o laway, at maaaring magdulot ng malubhang sakit sa baga at paghinga.