Opisyal nang idineklara ng World Health Organization (WHO) ang pagtatapos ng hantavirus outbreak na may kaugnayan sa isang cruise ship matapos magnegatibo sa virus ang huling indibidwal na na-expose at makumpleto ang itinakdang quarantine period.
Ayon sa WHO, umabot sa 13 katao ang nahawahan habang tatlo ang nasawi sa naturang outbreak na iniugnay sa Andes virus, isang bihirang uri ng hantavirus na karaniwang matatagpuan sa Argentina at Chile.
Nagsimula ang outbreak matapos bumiyahe ang cruise ship na MV Hondius mula Argentina noong Abril 1. Sa mga sumunod na linggo, nakapagtala ng mga kaso sa mga pasahero at crew na agad na isinailalim sa contact tracing, monitoring at quarantine.
Sinabi ng WHO na wala nang naitalang bagong kaso matapos ang huling quarantine, dahilan upang opisyal nang ideklarang tapos ang outbreak.
Ang hantavirus ay isang sakit na naipapasa sa tao sa pamamagitan ng exposure sa ihi, dumi o laway ng mga infected na daga at maaaring magdulot ng malubhang sakit sa baga.













