-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag ng kahandaan ang Free Legal Assistance Group (FLAG) na suportahan ang bagong tatag na Truth and Reconciliation Commission na tututok sa pagdodokumento ng mga insidente ng karahasan at pamamaslang na may kaugnayan sa kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.

Sa kanilang opisyal na pahayag, sinabi ng grupo ng mga abogado na mahalagang maitala at masuri ang mga naganap na insidente upang mabigyan ng linaw ang mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao at mabigyan ng boses ang mga pamilya ng mga biktima.

Giit ng FLAG, naapektuhan ang saklaw ng International Criminal Court (ICC) sa mga kasong naganap sa bansa matapos ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute, kaya’t maraming insidente sa huling bahagi ng drug war ang hindi na nasaklaw ng imbestigasyon ng internasyonal na hukuman.

Dahil dito, binigyang-diin ng grupo ang pangangailangan ng isang independent truth commission upang maimbestigahan ang mga kaso na umano’y hindi naidokumento nang maayos at naisantabi sa mga nakalipas na taon.

Ayon sa FLAG, mahalaga rin na mabigyan ng espasyo ang mga pamilya ng mga biktima, mga survivor, at mga testigo upang maipahayag ang kanilang karanasan at makamit ang panawagan para sa hustisya at katotohanan.

Samantala, patuloy na pinagdedebatehan ang lawak ng bilang ng mga nasawi sa kampanya kontra droga, kung saan tinatayang nasa 6,000 ang opisyal na tala ng Philippine National Police, habang mas mataas naman ang estimate ng ilang human rights groups at iba pang internasyonal na ulat.