Naitala ng Gilas Pilipinas U18 Women ang mahalagang 69-64 panalo kontra New Zealand sa FIBA U18 Women’s Asia Cup 2026 na ginaganap sa Karisma Arena sa Malaysia.
Dikdikan ang laban hanggang sa mga huling minuto, ngunit naging mahalaga ang biglang pag-agaw ng lamang ng Gilas sa fourth quarter. Sa natitirang 49.9 segundo, umiskor si Rhiane Perez mula sa layup at nakakuha pa ng foul, na nagbigay sa Pilipinas ng 65-64 kalamangan.
Hindi na binitawan ng Gilas ang kalamangan sa mga huling segundo hanggang tuluyang maisara ang limang puntos na panalo.
Nanguna para sa Pilipinas si Zaydhen Rosano, na nagtapos na may 23 puntos at pitong rebounds. Malaki rin ang ambag ni Perez na may 13 puntos, anim na rebounds, isang assist, dalawang steals at isang block.
Ang tagumpay ang nagsilbing unang panalo ng Gilas Women sa Division A ng kompetisyon matapos ang dalawang unang pagkatalo sa Group A.
Sa pagtatapos ng group stage, nagtala ang Pilipinas ng 1-2 kartada, sapat para makuha ang ikatlong puwesto sa grupo at makapasok sa qualification round para sa semifinals.
Muling sasabak ang Gilas Women ngayong Huwebes para sa qualification game, kung saan nakataya ang kanilang pag-asang makapasok sa semifinals ng torneo.













