-- ADVERTISEMENT --

Plano ng Department of Tourism na kunin ang serbisyo ng P-pop sensation na BINI bilang tourism ambassadors ng Pilipinas, ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay.

Sa panayam nitong Mayo 26, sinabi ni Mathay na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang DOT sa grupo matapos ang matagumpay nitong pagrepresenta sa bansa sa international music scene, partikular sa kanilang pagtatanghal sa Coachella noong Abril.

Ayon sa kalihim, nais nilang personal na makausap ang grupo at ipaabot ang kanilang suporta at pagbati matapos iwagayway ng BINI ang bandila ng Pilipinas sa isa sa pinakamalalaking music festival sa mundo.

Gayunman, aminado ang DOT na wala pang tugon mula sa grupo dahil abala ito sa paghahanda para sa kanilang SIGNALS World Tour 2026.

Nauna nang kinilala ng DOT ang BINI bilang kauna-unahang Filipino act na nakapagtanghal sa Coachella. Kasama rin sa pinarangalan si Sophia Laforteza ng international girl group na KATSEYE.

Samantala, kinilala na rin ng Kamara sa pamamagitan ng House Resolution No. 93 ang BINI bilang “Nation’s Girl Group,” habang nagpasa rin ng kahalintulad na resolusyon ang Senado bilang pagkilala sa tagumpay ng grupo.

Binubuo ang BINI nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena, na sumikat sa kanilang mga kantang Pantropiko at Salamin, Salamin.