-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na walang inilaan na allocables o pondong maaaring pagpasiyahan ng mga mambabatas sa panukalang 2027 budget ng ahensya.

Kasunod ito ng pagtatanong ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio tungkol sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) hinggil sa umano’y leadership funds at allocables na lumitaw sa mga nakaraang taon.

Ayon kay Dizon, hindi lamang tinanggal ang naturang mga pondo, kundi hindi na rin ginamit ng DPWH ang dating parametric formula sa paglalaan ng budget. Sa bagong sistema, nakabatay ang pondo sa mga prayoridad na proyekto na isinusulong at inirerekomenda ng mga distrito at rehiyon.

Sa mahigit 11,000 proyektong nakapaloob sa panukalang 2027 budget, nasa 80 porsyento ang may opisyal na endorsement mula sa Regional Development Councils (RDCs). Malaking pagtaas ito mula sa dating 25 hanggang 30 porsyento lamang.

Umaasa si Dizon na maaaprubahan ang panukalang budget dahil mas nakatuon umano ito sa mga konkretong proyektong ipatutupad sa buong bansa sa susunod na taon.