Nakalaya na si Atty. Levito Baligod at apat na dating bodyguard umano ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co matapos magpiyansa sa kasong unjust vexation na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon kay San Juan City Police Chief Police Colonel Anthony Gantang, inaresto ang lima sa San Juan Hall of Justice bandang alas-9:30 ng umaga nitong Biyernes habang dumadalo si Baligod sa isang pagdinig. Itinakda ng Regional Trial Court Branch 69 sa Iba, Zambales, ang piyansang ₱10,000 bawat isa.
Samantala, 10 iba pa ang hindi pa nakapagpiyansa dahil hindi umano naipasa ang kanilang mga barangay certificate matapos umuwi ang mga kawani ng korte.
Matatandaang ilang dating bodyguard ni Co ang nag-akong naghatid ng mga maleta ng pera kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at iba pa. Itinanggi ng mga pinangalanan ang mga paratang.
Noong Agosto, binawi ng apat sa 18 lumagda sa mga affidavit ang kanilang mga naunang pahayag, at sinabing nais na lamang nilang mamuhay nang tahimik matapos makatanggap umano ng mga banta sa kanilang buhay.












