Nilinaw ng Department of Foreign Affairs na wala nang bisa ang dalawang pasaporte ng puganteng dating kongresista na si Elizaldy Co, kabilang ang kanyang regular at diplomatic passport.
Ayon sa DFA, iniulat na nila sa Interpol ang kanselasyon ng mga dokumento noong Disyembre pa lamang. Dahil dito, pinaniniwalaang maaaring gumamit si Co ng expired o invalid na pasaporte sa kanyang pagbiyahe palabas ng bansa.
Ipinunto rin ng ahensya na ang isa pang regular passport ni Co na nag-expire noong Setyembre 2022 ay hindi na kailangang kanselahin, dahil awtomatiko na itong hindi maaaring gamitin sa international travel.
Sa mga ulat, posibleng ginamit ang naturang expired na dokumento sa pagpasok niya sa Czech Republic at sa pagtawid patungong Germany.
Samantala, napaulat na nasa France ngayon si Co at naghahangad ng political asylum, matapos siyang ma-detain ng mga awtoridad sa Czech Republic dahil umano sa paglabag sa immigration laws.
Ang paghahanap kay Co ay may kaugnayan sa umano’y pagkakasangkot niya sa mga maanomalyang flood control projects ng pamahalaan—isang isyung patuloy na iniimbestigahan ng mga kinauukulan.













