-- ADVERTISEMENT --

Ipinahayag ng Ferdinand Marcos Jr. ang pagkadismaya matapos mabigong maibalik sa Pilipinas ang puganteng si Zaldy Co, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Claire Castro, Palace Press Officer, personal niyang nakausap ang Pangulo na umaming “disappointed” dahil malapit na sanang maisakatuparan ang repatriation ni Co. Gayunman, hindi ito natuloy dahil sa mga umiiral na legal na proseso sa ibang bansa.

Lumilitaw na naging hadlang ang umano’y paggamit ng invalid documentation, kaya nananatili sa Czech Republic ang hurisdiksyon sa mga susunod na hakbang kaugnay ng kaso ng dating kongresista.

Nilinaw din ng Malacañang na wala umanong dahilan para humingi ng paumanhin ang Pangulo, sa kabila ng pagkadismaya ng ilang mamamayan. Giit ng Palasyo, ginawa ng administrasyon ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maisulong ang proseso.

Nanindigan din ang pamahalaan na walang mali sa naging pahayag ng Pangulo hinggil sa pagkakadakip kay Co sa Prague.

Sa kabila nito, umaasa ang gobyerno na sa pamamagitan ng mas pinalawak na kooperasyon sa ilalim ng United Nations Convention Against Corruption (UNCAC), mapapabilis ang proseso para sa posibleng pagbabalik sa bansa ni Co, na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y korapsyon sa flood control projects.