-- ADVERTISEMENT --

Magpapadala ang Pilipinas ng 40 generator sets sa Ukraine bilang bahagi ng humanitarian assistance nito sa gitna ng patuloy na pagkasira ng mga pasilidad dahil sa digmaan laban sa Russia. Layunin ng donasyong ito na makatulong sa pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente at magbigay ng pansamantalang heating sa mga lugar na madalas tamaan ng pag-atake.

Nagpasalamat si Ukrainian Deputy Foreign Minister Olexandr Mischenko sa tulong, at binigyang-diin na malaking bagay ang mga generator lalo na kapag napipinsala ang critical infrastructure dahil sa shelling.

Samantala, sinabi ni Ukrainian Ambassador to Manila Yuliia Fediv na inaayos na ang logistics ng pagpapadala sa pakikipagtulungan ng embahada at opisina ni Sen. Erwin Tulfo. Target na maipadala ang mga generator mula Maynila sa ikalawang bahagi ng Mayo.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na ugnayan ng Pilipinas at Ukraine kasunod ng kanilang ikalawang political consultations.

Inaasahang makararating ang mga generator bago sumapit ang taglamig sa Ukraine, kung kailan mas kritikal ang pangangailangan sa kuryente at heating sa mga komunidad na apektado ng digmaan.