Mahigpit na ipatutupad ng Department of Education (DepEd) ang pagbabawal sa bomb threats at pagdadala ng deadly weapons sa loob ng mga paaralan bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ayon sa DepEd, kabilang ang mga naturang paglabag sa pinakamabibigat na offenses o third-level offenses sa ilalim ng bagong Guidelines Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment. Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na hindi kukunsintihin ng kagawaran ang anumang banta sa seguridad ng mga paaralan at nananatiling prayoridad ang ligtas at mapayapang kapaligiran sa pag-aaral.
Sa ilalim ng mga alituntunin, ang mga mapatutunayang sangkot sa bomb threats, pagdadala ng baril, pampasabog, ilegal na droga, at iba pang mabibigat na paglabag ay maaaring hindi na payagang makapag-enroll sa susunod na school year o tuluyang maalis sa paaralan.
Bukod dito, awtomatiko rin silang ire-refer sa mga law enforcement at social welfare agencies para sa kaukulang aksyon.













