-- ADVERTISEMENT --

Humiling ng agarang tulong ang mga awtoridad sa Ceuta sa pamahalaan ng Spain matapos dumagsa ang libo-libong migrants sa maliit na teritoryong Espanyol sa hilagang Africa.

Hiniling ng Ceuta government sa Madrid ang pagdedeklara ng national emergency at pagpapadala ng karagdagang puwersang militar upang mapalakas ang seguridad sa border.

Sa mga kuhang video sa Tarajal Beach, makikita ang daan-daang migrants, karamihan ay mula Morocco, na tumawid sa breakwater at nagtungo sa dalampasigan at mga kalsada patungo sa teritoryo ng Spain.

Kabilang sa mga nagtangkang makapasok ang mga kabataang lalaki, kababaihan, at mga batang kasama ang kanilang pamilya na naghahangad na makarating sa Spain.

Ayon kay Ceuta regional government head Juan Jesús Vivas, kailangan ng karagdagang suporta mula sa pulisya at militar upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lugar.

Sinabi rin ni Vivas na punuan na ang mga migrant reception center sa Ceuta, dahilan upang ilang daang migrante ang napilitang manatili at matulog sa mga lansangan.

Patuloy namang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng Spain at Morocco dahil sa pagdami ng mga pagtatangkang tumawid sa border, kabilang ang mga migranteng lumalangoy upang makapasok sa teritoryo ng Spain.

Noong 2021, mahigit 8,000 migrants ang nakapasok sa Ceuta sa loob lamang ng dalawang araw, na itinuring na isa sa pinakamalalang border crisis sa pagitan ng Spain at Morocco.