Ipinagpaliban ang nakatakdang pagdinig sa Abril 14 ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects. Ito ay matapos mabigong magsumite ng kanyang affidavit si dating Ilocos Governor Luis “Chavit” Singson at dahil na rin sa kakulangan ng pirma sa partial committee report.
Ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee chairperson Panfilo “Ping” Lacson, maaari lamang ituloy ang pagdinig kung makakapagsumite si Singson kahit ng draft ng kanyang sinumpaang salaysay, at kung madaragdagan ng limang lagda ang partial report upang maipresenta ito sa plenaryo.
Sa liham ni Lacson kay Singson, sinabi niyang kinakailangang ipagpaliban ang pagdinig hanggang maisumite ang affidavit na may kalakip na mga dokumento. Binigyan umano ng komite si Singson hanggang Abril 7 upang magsumite, ngunit wala itong natanggap na tugon.
Samantala, apat pa lamang na miyembro ng komite ang lumagda sa partial report, kulang pa ng lima upang maabot ang kinakailangang siyam na pirma para maipresenta ito sa Senado.
Sa kabila nito, sinabi ni Lacson na pinag-aaralan niyang magsumite ng isang Chairman’s Report sa Office of the Ombudsman, kasama ang mga dokumento, transcript, at ebidensyang nakalap mula sa hindi bababa sa pitong pagdinig, upang makatulong sa nagpapatuloy na imbestigasyon.













