-- ADVERTISEMENT --

Naglabas ng kautusan ang Office of the Ombudsman na agad isailalim sa preventive suspension si Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Ranada Aplasca, na walang sahod at may bisa sa loob ng anim na buwan o hanggang matapos ang administratibong imbestigasyon.

Ayon sa Ombudsman, kinakailangang alisin muna si Aplasca sa kanyang tungkulin dahil may posibilidad na maapektuhan ang pagiging patas at kredibilidad ng imbestigasyon kaugnay ng mga pangyayari sa gusali ng Senado noong Mayo 13, 2026, kung mananatili siya sa puwesto.

Layunin ng preventive suspension na mapanatiling ligtas at hindi mabago ang mga dokumento at ebidensyang posibleng hawak niya, pati na rin maiwasan ang anumang impluwensiya sa isinasagawang kaso.

Kasabay ng suspensyon, nagpalabas din ang Ombudsman ng Subpoena Duces Tecum na nag-uutos na isumite ang CCTV footage mula sa ikalawang palapag at basement parking ng Senado, saklaw ang Mayo 13 hanggang Mayo 14, 2026.

Patuloy ang imbestigasyon upang malinawan ang buong pangyayari at matukoy kung may pananagutang administratibo si Aplasca.