Iginiit ng House of Representatives na hindi ito matitinag sa umano’y mga banta mula sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP) kaugnay ng nakatakdang botohan sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ngayong Lunes, Mayo 11.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega V, hindi matatakot, maba-blackmail, o mapipigilan ang mga kongresista sa pagtupad ng kanilang konstitusyonal na tungkulin, kabilang ang pagtalakay sa mga impeachment complaints.
Ito ay pahayag ng mambabatas matapos magbabala ang PDP na posibleng i-blacklist at kalabanin sa susunod na halalan ang mga mambabatas na boboto pabor sa impeachment ni VP Sara.
Dagdag pa ni Ortega, ang pinakamahalaga para sa Kamara ay ang boses ng mamamayang Pilipino, at hindi ang interes ng isang partidong, ayon sa kanya, pilit muling nagpapalakas ng impluwensya.













