Inilahad ni Senadora Imee Marcos na isang umano’y confidential agent ng National Bureau of Investigation ang naaresto kaugnay ng insidente ng putukan sa loob ng Senado nitong nakaraang gabi.
Ayon sa senadora, nahuli umano ang naturang indibidwal matapos nitong kunin ang isang tactical bag na naiwan sa hagdanan sa ikalawang palapag ng gusali — lugar kung saan napaulat ang sunod-sunod na putok ng baril.
Hindi pa pinapangalanan ang sinasabing ahente, gayundin kung aling grupo o otoridad ang umaresto sa kanya. Gayunman, sinabi ni Imee na inamin umano ng lalaki na siya ay konektado sa NBI at nagsabing ang kanyang superior ay isang “Atty. Bomediano” mula sa NBI-Organized and Transnational Crime Division (OTCD).
Dagdag pa umano ng suspek, may kaugnayan ang operasyon sa planong pag-aresto kay Senador Ronald dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Dahil dito, nanawagan si Imee kay “Atty. Bomediano” na magbigay-linaw sa nangyaring kaguluhan na nagdulot ng lockdown at tensyon sa Senado.
Nauna namang itinanggi ni NBI Director Melvin Matibag na may ipinadalang tauhan ang ahensya sa Senado, taliwas sa mga pahayag na lumabas kaugnay ng insidente.













