Tinanggihan ng Korte Suprema ang kahilingan para sa Temporary Restraining Order (TRO) at status quo ante order na sana’y mag-uutos sa Senado at sa Senate Blue Ribbon Committee na ilabas at panatilihin ang mga orihinal na draft ng ulat kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa halip na agad magpalabas ng TRO, inatasan ng Korte Suprema ang komite—na noon ay pinamumunuan ni Panfilo Lacson, kasama ang mga miyembrong sina Juan Miguel Zubiri, JV Ejercito, at Sherwin Gatchalian—na magsumite ng kanilang sagot o paliwanag sa loob ng 15 araw.
Ang petisyon ay inihain ng mga abogadong sina Eldrige Marvin Aceron, Sikini Labastilla, at Purificacion Bartolome-Bernabe, sa pamamagitan ng isang mandamus at certiorari, na layuning pilitin ang komite na ilabas ang kumpletong bersyon ng draft na ulat, partikular ang hindi pa umano na-eedit na bahagi nito.
Giit ng mga petitioner, dapat ilabas ang buong draft dahil hindi na raw ito saklaw ng “deliberative process privilege,” lalo’t nauna nang inilantad ni Panfilo Lacson sa media ang ilang nilalaman nito, kabilang ang mga rekomendasyong magsampa ng kasong plunder laban sa ilang opisyal.
Sa panig naman ng Senate Blue Ribbon Committee, nanindigan ito na ang draft report ay hindi pa pinal at nananatiling protektado ng prinsipyo ng lihim na deliberasyon upang mapanatili ang kalayaan ng mga miyembro sa pagbuo ng kanilang mga rekomendasyon nang walang impluwensya o panggigipit mula sa labas.













