-- ADVERTISEMENT --

Nalampasan ng Bureau of Internal Revenue ang target nitong tax collection sa unang apat na buwan ng 2026, ayon sa pinakahuling ulat ng ahensiya.

Batay sa official report ng BIR, umabot sa mahigit P1.155 trillion ang kabuuang nakolektang buwis mula Enero hanggang Abril ngayong taon — mas mataas ng P9.6 bilyon kumpara sa itinakdang collection target para sa naturang panahon.

Ayon kay Charlito Martin Mendoza, malaking ambag sa paglampas sa target ang mga repormang ipinatupad ng ahensiya, partikular sa larangan ng digitalization, audit systems, at taxpayer services.

Kabilang sa mga inilunsad na hakbang ng BIR ang digital tax calendar, online taxpayer portal, at mas pinasimpleng proseso ng business registration upang mapadali ang compliance ng mga nagbabayad ng buwis.

Paliwanag ng ahensiya, bahagi ang mga programang ito ng mas malawak na modernization efforts ng pamahalaan at pagsusulong ng mas episyente at transparent na tax collection system sa bansa.

Umaasa naman ang BIR na magpapatuloy ang paglago ng koleksiyon ng buwis hanggang sa pagtatapos ng taon, kasabay ng patuloy na pakikipagtulungan ng mga Pilipino sa maayos at tamang pagbabayad ng buwis.