Tuluyan nang tinanggal sa puwesto ng Office of the Ombudsman si Bureau of Fire Protection Director Jesus Fernandez matapos mapatunayang guilty sa isang administrative case kaugnay ng umano’y pagtanggap ng malaking halaga ng pera mula sa supplier ng ambulansya.
Ayon sa imbestigasyon, nakatanggap umano si Fernandez ng P14.752 milyon mula sa isang contractor habang siya ang namumuno sa Bids and Awards Committee ng BFP.
Mayroon ding mga cash delivery na umaabot sa P14.7 milyon noong 2024 at P485 milyon noong 2025 na iniuugnay sa supplier ng ambulansya.
Nag-ugat ang kaso sa fact-finding investigation ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamamagitan ng Task Force BFP Accountability. Sinuri rito ang pagbili ng 132 Type 1 Basic Life Support ambulances.
Bukod sa administrative case, nahaharap din si Fernandez sa mga kasong kriminal. Nauna nang nagsampa ang Ombudsman ng dalawang counts ng indirect bribery at dalawang counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa kanya.
Kinasuhan din si Rosaverna Palairon Sangga, kinatawan ng kumpanyang pinagbilhan ng mga ambulansya.
Samantala, sinabi ng Ombudsman na matibay ang ebidensiyang nakalap laban kay Fernandez kaugnay ng mga alegasyon sa procurement ng mga ambulansya.













