-- ADVERTISEMENT --

Mas ikinabahala umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang posibleng reaksyon ni Vice President Sara Duterte sa pagsisilbi ng warrant of arrest kaysa sa banta ng mga kilos-protesta ng mga grupong sumusuporta sa kanya.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, naging pangunahing konsiderasyon ng mga awtoridad ang posibleng magiging kilos ni Duterte sakaling ipatupad na ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang warrant laban sa kanya.

Sinabi ni Remulla na may pangamba sila sa posibilidad na magkaroon ng pisikal na komprontasyon, lalo na dahil mayroon nang naitalang insidente kung saan nanuntok umano si Duterte ng court sheriff noong siya ay local executive pa ng Davao City.

Gayunman, iginiit ni Remulla na hindi nila pinatulan ang ipinakitang pagtutol ni Duterte sa posibilidad na posasan at makulong. Aniya, nanatili ang pagrespeto ng mga awtoridad sa kanyang posisyon bilang Bise Presidente.

Samantala, sinabi ng kalihim na hindi na kinakailangan ang karagdagang surveillance para sa seguridad ni Duterte dahil nasa 400 security personnel na umano ang nakatalaga sa kanyang proteksyon.

Inihayag ni Remulla ang mga ito matapos ilabas ang warrant of arrest laban kay Duterte kaugnay ng tatlong counts ng grave threats.

Nauna rito, sinabi ni Duterte na wala siyang tiwala sa korte at sa mga pulis bago siya pumasok sa Regional Trial Court upang ihain ang kanyang bail.

Ayon sa DILG, nananatiling nakatuon ang kanilang mga tauhan sa maayos at ligtas na pagpapatupad ng warrant habang isinasaalang-alang ang posisyon at seguridad ng Bise Presidente.