Arestado ang apat na indibidwal matapos makumpiska ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱1.03 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Rizal Poblacion, Banga, South Cotabato, noong Oktubre 16, 2026.
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12 Regional Special Enforcement Team ang operasyon, katuwang ang mga tauhan ng PDEA South Cotabato Provincial Office at mga yunit ng Philippine Army.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Toto,” 26, isang salesman; “Rizal,” 20, isang estudyante; “Marvin,” 33, isang freelance event host; at “Kimberly,” 25, isang housekeeper. Ang apat ay pawang residente ng Banga, South Cotabato.
Ayon sa mga awtoridad, limang plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na hinihinalang shabu ang nasamsam, na may kabuuang standard drug value na ₱1,032,240. Narekober din ang buy-bust money, boodle money, isang cellphone, motorsiklo, sling bag at maliit na timbangan.
Haharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, sinabi ng PDEA Region 12 na magpapatuloy ang mga operasyong nakabatay sa intelligence gathering at pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya upang sugpuin ang ilegal na droga at mga krimeng may kaugnayan dito.













