Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibilidad ng maulap na panahon, kalat-kalat na pag-ulan, at thunderstorms sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao dahil sa epekto ng trough o extension ng Tropical Depression Kiyapo at ng umiiral na Southwest Monsoon o Habagat.
Batay sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA alas-5:00 ng madaling araw nitong Huwebes, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 950 kilometro silangan ng Central Luzon.
Taglay ng Tropical Depression Kiyapo ang lakas ng hanging umaabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 55 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Itinaas naman ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lugar kabilang ang Batanes, Cagayan, Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, ilang bahagi ng Mountain Province at Ifugao, Ilocos Norte, at hilagang bahagi ng Ilocos Sur.
Makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Occidental Mindoro, at Palawan. Pinag-iingat ang mga residente sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Inaasahan din ang parehong kondisyon sa Bicol Region, Eastern Visayas, at Romblon dahil sa trough ng bagyo. Posible rin ang flash flood at landslide sa mga lugar na tatamaan ng matitinding buhos ng ulan.
Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms ang mararanasan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon dahil sa localized thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, patuloy na mino-monitor ang galaw ng bagyo dahil posible itong lumapit o mag-landfall sa Cagayan sa pagitan ng Biyernes at Sabado, Hulyo 25.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga lokal na awtoridad, lalo na sa mga lugar na maaaring makaranas ng malakas na ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa.













