Lusot na sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives of the Philippines ang panukalang Anti-Political Dynasty Act na naglalayong limitahan ang sabay-sabay o sunod-sunod na paghawak ng kapangyarihan ng magkakamag-anak sa iisang lugar.
Sa ilalim ng House Bill No. 8389, ipagbabawal ang pagtakbo o panunungkulan sa parehong lokalidad ng mag-asawa at mga kamag-anak hanggang ikalawang antas ng dugo o relasyon. Saklaw nito ang mga posisyon mula barangay hanggang lalawigan, kabilang na ang mga distrito sa Kamara.
Pinangunahan nina Faustino Dy III at Sandro Marcos ang pagsusulong ng panukala, na sinuportahan ng mahigit 170 mambabatas.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, layunin nitong palakasin ang tiwala ng publiko sa sistema ng pamahalaan at mabigyan ng mas pantay na pagkakataon ang ibang nais pumasok sa serbisyo publiko.
Kapag naging ganap na batas, oobligahin din ang mga kandidato na magsumite sa Commission on Elections ng isang sinumpaang salaysay na nagpapatunay na hindi sila bahagi ng ipinagbabawal na political dynasty arrangement.
Nakasaad din sa panukala na ipatutupad ang batas sa susunod na halalan sa oras na makumpleto nito ang pag-apruba sa Kongreso at malagdaan bilang batas.













