-- ADVERTISEMENT --

Binatikos ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang China matapos muling kuwestiyunin ang makasaysayan at legal na batayan ng pagmamay-ari ng Pilipinas sa Batanes Islands.

Tinawag na “manhid” ni Teodoro ang China dahil sa umano’y hindi pakikinig nito sa mga panawagan at diplomatikong pahayag ng Pilipinas kaugnay ng usapin.

Kasunod nito, hinimok ng kalihim ang mga Pilipino na maging mapanuri at huwag basta maniwala sa mga maling impormasyon at naratibong ipinapakalat laban sa soberanya ng bansa.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patuloy na pagsuporta sa mga sundalo at iba pang tauhan ng pamahalaan na nagtatanggol sa teritoryo at pambansang interes ng Pilipinas.

Samantala, iginiit ni Teodoro na may sapat na makasaysayan at legal na batayan ang Pilipinas sa pag-angkin sa Batanes, at hindi dapat balewalain ang mga pahayag na maaaring magdulot ng maling pag-unawa sa soberanya ng bansa.

Ayon sa mga ulat, muling sumiklab ang usapin matapos kuwestiyunin ng ilang Chinese scholar ang pagmamay-ari ng Pilipinas sa Batanes, na tinawag nilang heograpikong karugtong ng Taiwan.