Nagbabala ang Chinese Embassy sa Manila na gagawa rin ito ng katumbas na hakbang laban sa Pilipinas sakaling ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan.
Sa pahayag nito sa Facebook nitong Martes, sinabi ng embahada na gagantihan nito ang anumang hakbang ng Pilipinas, kasabay ng paglalathala ng kopya ng resolusyong inihain ni Senador Risa Hontiveros.
Sa Senate Resolution No. 746, hiniling ni Hontiveros kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang persona non grata si Jing o hilingin sa pamahalaan ng China na bawiin ang pagtatalaga sa kanya bilang ambassador.
Lumakas ang panawagan matapos ang pahayag ng Chinese envoy na madaling mananalo ang Beijing kung gagamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ng Malacañang na hindi prayoridad ng Pangulo ang pagdedeklara ng persona non grata laban sa sinumang dayuhang diplomat sa ngayon, dahil nais ng administrasyon na lutasin ang mga usapin sa pamamagitan ng diplomatikong pamamaraan.













