Patuloy ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng mga maanomalyang flood control project sa bansa, kung saan apat pang congressman ang kasalukuyang sumasailalim sa preliminary investigation.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, nasa 79 na kaso na ang naiuugnay sa umano’y anomalya sa flood control projects. Sa bilang na ito, 25 kaso ang nasa preliminary investigation at naisampa na sa Sandiganbayan.
Umaabot naman sa 67 personalidad ang nasasangkot sa mga kasong ito, kabilang ang isang senador, dating senador, apat na mambabatas, dating congressman, dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), 39 na tauhan ng ahensya, siyam na kontraktor, dalawang congressional staff at siyam na pribadong indibidwal.
Samantala, sinabi ni Remulla na mayroon pang dalawang plunder case at 22 kaso ng malversation of public funds na itinuturing na non-bailable dahil sa halagang sangkot.
Bukod dito, nakapaghain na rin ang mga prosecutor ng Ombudsman ng 57 kasong walang kaugnayan sa flood control projects, na may 138 respondents at kabuuang P13 bilyong pondong bayan na iniuugnay rito.
Lumabas din sa imbestigasyon ang umano’y paggamit ng mga pekeng dokumento sa ilang corruption scheme, kabilang ang pamemeke ng land ownership records, paggamit ng outdated property valuation at iba pang supporting documents upang makakuha ng government compensation.
Patuloy namang tinututukan ng Ombudsman ang mga kasong may kaugnayan sa paggamit at paglustay umano sa pondo ng bayan.













