-- ADVERTISEMENT --

Nag-alay ng mga bulaklak at nagsindi ng kandila si Vice President Sara Duterte bilang pag-alala sa libu-libong buhay na nawala sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa Tacloban City noong 2013.

Binisita ni Duterte nitong Biyernes ang Holy Cross Memorial Gardens, kung saan nakahimlay ang mga labi ng ilan sa mga nasawi sa pinakamapaminsalang bagyong tumama sa bansa. Kasama niya sa pagbisita ang mga personnel ng Office of the Vice President-Eastern Visayas Satellite Office.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ng Bise Presidente na sinabayan nila ng panalangin ang pag-aalay ng bulaklak at pagsisindi ng kandila bilang paghingi ng kapayapaan para sa mga kaluluwa ng mga biktima.

Hinimok din niya ang publiko na patuloy na alalahanin sa kanilang mga panalangin ang mga nasawi sa mga kalamidad at sakuna, gayundin ang kanilang mga naulilang pamilya.

Nananatiling isa sa pinakamalagim na trahedya sa kasaysayan ng Pilipinas ang pananalasa ng Yolanda, na kumitil sa libu-libong buhay at sumira sa mahigit 1.14 milyong kabahayan.

Samantala, noong Oktubre 30, bumisita rin si Duterte sa memorial ng mga nasawi sa pambobomba sa Roxas Night Market sa Davao City noong 2016. Mahigit sampung katao ang nasawi sa naturang pag-atake.

Nag-alay rin siya ng panalangin bilang paggunita sa mga biktima at pag-asang matagpuan nila ang walang hanggang kapayapaan.