Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga pamilyang nakararanas ng epekto ng tagtuyot o El Niño sa bansa, kung saan halos 490,000 indibidwal na ang apektado sa anim na rehiyon.
Batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Disaster Response Management, as of 6:00 ng gabi noong Nobyembre 3, umabot na sa mahigit 190,000 pamilya ang naapektuhan ng matinding tagtuyot.
Saklaw ng epekto ang mahigit 2,000 barangay sa Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, SOCCSKSARGEN at CARAGA.
Bilang tugon, nakapagpaabot na ang DSWD ng mahigit ₱180 milyon na humanitarian assistance para sa mga apektadong komunidad at pamilyang nangangailangan ng suporta.
Bukod dito, mayroon pang mahigit ₱4 bilyong nakalaang pondo ang ahensya na maaaring gamitin para sa karagdagang tulong depende sa pangangailangan at lawak ng epekto ng tagtuyot.
Sa kabila ng patuloy na pagdami ng mga apektadong pamilya, wala pang naitatalang evacuees sa mga nabanggit na rehiyon.
Patuloy namang binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang ayuda at matiyak na maipararating ang tulong sa mga residenteng apektado ng kakulangan sa ulan at matagal na tagtuyot.













