Maaga pa umano upang kuwestiyunin sa Korte Suprema ang itinakdang two-thirds voting threshold sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte, ayon sa ilang miyembro ng House prosecution panel.
Ayon kay Lead House Prosecutor Gerville Luistro, wala pang aktuwal na pinsalang maaaring maging batayan ng petisyon dahil hindi pa bumoboto ang mga senador-hukom kung mapapawalang-sala o mapaparusahan ang Bise Presidente.
Sinabi niyang maaari nilang isama ang argumentong ito sa magiging komento ng Kamara sa petisyong inihain nina Senator-Judges Robin Padilla at Bong Go, bagama’t hindi pa ito napag-uusapan ng prosecution panel.
Iginiit naman ni House Prosecution Counsel Atty. Lorna Kapunan na maaari pang magbago ang bilang ng mga senador na dadalo sa araw ng botohan kaya maaga pang kuwestiyunin ang voting threshold.
Ayon kay prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., nasa Korte Suprema ang pagpapasya kung maaari nang dinggin ang usapin bilang isang justiciable issue.
Dagdag ng mga prosecutor, mahirap patunayang nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Impeachment Court dahil dumaan sa masusing deliberasyon, pagdinig sa panig ng prosecution at defense, at konsultasyon sa apat na dating mahistrado ng Korte Suprema na nagsilbing amici curiae.
Binigyang-diin din ni Luistro na saklaw ng political question doctrine ang usapin sa voting threshold at kabilang ito sa kapangyarihan ng Senado bilang Impeachment Court.
Sa kabila nito, tiniyak ng prosecution panel na igagalang nila ang proseso sa Korte Suprema at magsusumite ng kaukulang komento sa petisyon.
Umaasa rin sina Luistro at Tolosa na mananatiling politically neutral ang mga senador-hukom na naghain ng petisyon habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa impeachment proceedings.













