-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang madaragdagan ang gastos sa pamasahe ng mga biyaherong sasakay ng eroplano sa Nobyembre 1 hanggang 15 matapos itaas ng Civil Aeronautics Board (CAB) sa Level 17 ang fuel surcharge, mula sa Level 16 na ipinatupad sa ikalawang kalahati ng Oktubre.

Sa ilalim ng bagong antas, maaaring umabot sa ₱559 hanggang ₱1,635 kada pasahero ang fuel surcharge para sa domestic flights. Para naman sa international flights, nasa ₱1,846.10 hanggang ₱13,726.58 ang maaaring singilin.

Mas mataas ito kumpara sa dating surcharge na ₱525 hanggang ₱1,535 para sa domestic flights at ₱1,733.76 hanggang ₱12,891.29 para sa international flights.

Ang fuel surcharge ay karagdagang bayad bukod sa base fare na ipinapataw ng mga airline upang matugunan ang pagbabago sa presyo ng aviation fuel. Gayunman, nakadepende sa ruta at patakaran ng bawat airline ang aktuwal na halagang sisingilin sa mga pasahero.