Asahan ang pagtaas ng pamasahe sa mga pampasaherong eroplano sa unang kalahati ng Agosto matapos itaas ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge sa Level 13.
Epektibo mula Agosto 1 hanggang 15 ang bagong antas ng surcharge, kasunod ng patuloy na tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na nakaapekto sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Mas mataas ito kumpara sa kasalukuyang Level 8 fuel surcharge na ipinatutupad mula Hulyo 16 hanggang 31, 2026.
Sa ilalim ng Level 13, maaaring madagdagan ang babayaran ng mga pasahero ng nasa ₱423 hanggang ₱1,237 para sa domestic flights, habang nasa ₱1,396.74 hanggang ₱10,385.42 naman ang dagdag-singil para sa international flights.
Ang fuel surcharge ay hiwalay sa base fare ng tiket at isang opsyonal na singil na maaaring ipataw ng mga airline upang mabawi ang dagdag na gastos dulot ng pagtaas ng presyo ng jet fuel.













