-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng Malacañang na hindi dapat paghaluin ang mga hakbang para matugunan ang epekto ng El Niño at ang operasyon ng pamahalaan laban sa mga taong pinaghahanap ng batas.

Ito ang naging pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro bilang tugon sa mungkahing ilaan na lamang sa mga programang pangkaligtasan laban sa El Niño ang ₱50 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.

Ayon kay Castro, isang baluktot na pangangatwiran o fallacy ang pag-uugnay sa dalawang usapin dahil magkaiba ang layunin ng mga ito. Aniya, ang pagtugon sa epekto ng El Niño at ang paghuli sa mga wanted ay may magkakahiwalay na tungkulin sa operasyon ng pamahalaan.

Ipinaliwanag din ng opisyal na may nakalaan nang badyet ang bawat ahensiya para sa mga partikular na programa at operasyon. Dahil dito, hindi basta-basta maaaring ilipat ang pondo mula sa isang paggagamitan patungo sa iba.

Binigyang-diin pa ni Castro na kailangang maayos na maplano ang paggamit ng pondo ng pamahalaan. Hindi aniya nararapat na basta na lamang gastusin ang mga ito sa loob ng ilang araw, lalo na kung nakalaan ang mga ito para sa mga partikular na operasyon.