-- ADVERTISEMENT --

Inamin ni House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na kabilang sa mga dahilan ng pag-atras ng House Prosecution Panel sa tatlong articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang umano’y paghina ng interes ng publiko sa impeachment proceedings.

Iniuugnay ni Luistro ang hakbang sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS), kung saan 42 porsiyento lamang ng mga Pilipino ang nagsabing sinusubaybayan nila ang impeachment trial.

Mas mababa ito kumpara sa 47 porsiyentong interes na naitala sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada, habang umabot naman sa 52 at 54 porsiyento ang naitalang interes ng publiko sa paglilitis kay dating Chief Justice Renato Corona.

Ayon kay Luistro, posibleng nakararanas na ng pagod at pagkabagot ang publiko sa sunod-sunod na pagdinig, na tinatawag na “impeachment fatigue.”

Kabilang sa mga iniatras na alegasyon ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd), at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kaniyang pamilya.

Gayunman, naniniwala si Luistro na mananatili ang interes ng publiko sa natitirang article of impeachment na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte at mga ari-ariang hindi idineklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).