Itinaas sa Blue Alert Status ng National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NDRRMOC) ang kanilang alert level matapos pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Rosal.
Sa ilalim ng naturang alert status, inaasahang mag-report sa operations center ang mga tauhan ng uniformed services upang matiyak ang kahandaan at mabilis na pagtugon sa posibleng epekto ng bagyo.
In-activate na rin ang virtual Emergency Operations Center upang mapabilis ang koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan at Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils (RDRRMCs).
Inatasan din ang mga miyembrong ahensiya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga regional council na bantayan ang kani-kanilang nasasakupan, magsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment at mag-ulat tungkol sa mga posibleng maapektuhang lugar, kinakailangang tulong at nakahandang suplay para sa paghahanda sa bagyo.













