-- ADVERTISEMENT --

Naglahad ng kaniyang mga nasaksihan si Police Major Alvin Alvaro Nuguid, dating close-in security personnel ni dating Congressman Zaldy Co, sa bail hearing ng kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez noong Lunes, Oktubre 19.

Ayon kay Nuguid, sa halos dalawang taon niyang panunungkulan, nasaksihan niyang may 50 hanggang 60 maleta na inililipat mula sa basement ng Horizons patungo sa Units 56C at 56D ng Horizon Homes sa Taguig, na umano’y pag-aari ni Co. Nakakita rin siya ng humigit-kumulang 40 maleta na inilalabas mula sa mga unit.

Gayunman, nilinaw ng testigo na wala siyang personal na kaalaman kung pera ang laman ng mga maleta. Narinig lamang umano niya ang mga usapan ng kaniyang mga kasamahan tungkol sa “special tasking” at ang biruang “may pera sa basura.” Personal niyang nasaksihan ang pagdating ng mga maleta noong Setyembre 2024.

Dagdag ni Nuguid, hindi niya nakita kung binibilang ang laman ng mga maleta at hindi rin niya alam kung saan nagmula o kung saan dadalhin ang mga ito. Nakatuon lamang umano siya sa pagbabantay sa seguridad ni Co sa labas ng mga unit at hindi siya nakibahagi sa pagbubuhat ng mga maleta.

Sinabi rin niyang hindi niya matanong si Co tungkol sa mga maleta dahil hindi umano ito nakikipag-usap sa kaniya, maliban sa mga pagkakataong nagbibigay ito ng pangmeryenda.

Samantala, kinumpirma ni Nuguid na minsan niyang nakita si Romualdez na bumisita kay Co noong 2025, sa panahong tinanggal si Co bilang chairperson ng House Committee on Appropriations. Gayunman, wala siyang personal na kaalaman sa naging pag-uusap ng dalawa.