Patuloy ang search and rescue operations para sa 11 kataong nawawala matapos tumaob ang isang bangka sa karagatang bahagi ng Ensenada, Baja California, Mexico.
Ayon sa United States Coast Guard, 16 na Mexican nationals ang nailigtas noong Biyernes, Oktubre 16. Batay sa salaysay ng mga nakaligtas, 27 katao ang sakay ng bangka bago ang insidente.
Ilan sa mga nasagip ay nagtamo ng malulubhang sugat na pinaghihinalaang dulot ng kagat ng pating. Binigyan sila ng paunang lunas habang inililipat patungong San Diego, California.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang Coast Guard ng distress call mula sa isa sa mga pasahero bandang alas-1 ng madaling araw. Makalipas ang halos dalawang oras, dumating ang rescue helicopter at tumagal ng humigit-kumulang 90 minuto ang pagsagip sa 16 na pasahero.
Katuwang ng U.S. Coast Guard at U.S. Navy ang Mexican Navy sa patuloy na paghahanap gamit ang mga sasakyang pandagat at panghimpapawid. Naganap ang insidente sa layong 225 kilometro sa kanluran ng Ensenada.
Bagama’t nasa labas ng karagatang sakop ng Estados Unidos ang lugar ng insidente, nagpadala pa rin ang U.S. Coast Guard ng mga tauhan at kagamitan upang tumulong sa rescue operations.













