-- ADVERTISEMENT --

Niyanig ng magnitude 7.4 na lindol ang baybayin ng Chiapas, Mexico malapit sa hangganan ng Guatemala nitong Biyernes, na nagdulot ng babala sa posibleng tsunami at malakas na pagyanig na umabot sa Guatemala at El Salvador.

Ayon sa U.S. Geological Survey (USGS), naitala ang lindol malapit sa bayan ng Puerto Madero sa lalim na 10 kilometro.

Kasunod nito, nagbabala ang U.S. Tsunami Warning System na posibleng magkaroon ng mapanganib na tsunami waves sa mga baybaying nasa loob ng 300 kilometro mula sa epicenter.

Sa Guatemala City, naglabasan ang ilang residente at inilikas ang mga empleyado sa ilang gusali bilang bahagi ng safety protocols. Naramdaman din ang pagyanig sa El Salvador.

Samantala, sinabi ni Oaxaca Governor Salomón Jara na katamtaman ang naramdamang pagyanig sa kabisera ng estado at sa ngayon ay wala pang naitatalang malubhang pinsala o nasawi.