Nilinaw ni Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na wala pang pormal na talakayan sa Senado tungkol sa posibilidad na ibaba ang 16-vote threshold na kailangan para sa conviction o acquittal ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Kasunod ito ng pahayag ni Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri na may ilang senador umanong sumusuporta sa pagbaba ng kinakailangang boto.
Ayon kay Ejercito, maaari pa ring pag-usapan ang usapin sa plenaryo o sa Senate Impeachment Court, ngunit wala pa umanong pinal na posisyon ang karamihan sa mga senador.
Sa ngayon, nakatuon ang Senado sa deliberasyon sa pambansang badyet, dahilan para maapektuhan din ang iskedyul ng impeachment proceedings, partikular pagsapit ng Oktubre.
Samantala, sinabi ni Ejercito na mas mainam na ang Korte Suprema ang magpasya sa legalidad ng anumang pagbabago sa voting threshold. Ngunit kung ihaharap ito sa Impeachment Court, aniya, kailangang pagbotohan ito ng mga senador bilang impeachment judges.













