Aabot sa 2,424 silid-aralan ang napinsala dahil sa epekto ng bagyong Maymay at Habagat, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sa tala ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service, 403 silid-aralan ang tuluyang nawasak, 505 ang matinding napinsala, habang 1,516 ang nagtamo ng bahagyang pinsala.
Naitala ang mga pinsala sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Central Luzon. Bukod sa mga silid-aralan, nasira rin ang ilang upuan, ICT equipment at learning materials.
Mahigit P74 milyon naman ang tinatayang kailangan para sa pagkukumpuni ng mga silid-aralan na bahagyang napinsala.
Bilang tugon, makikipagtulungan ang DepEd sa Department of Labor and Employment para sa disaster cleanup at pagsasaayos ng mga apektadong paaralan sa ilalim ng 2026 Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers-Brigada Eskwela.
Samantala, sinuspinde ngayong Lunes ang klase sa ilang lugar dahil sa patuloy na malakas na ulan at pagbaha.













