-- ADVERTISEMENT --

Nais ng House prosecution na gamitin ang mismong liquidation reports mula sa Office of the Vice President (OVP) upang maiwasan ang mahabang pagtatalo sa authenticity ng mga dokumentong bahagi ng ebidensya sa impeachment trial.

Ayon kay House prosecution spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., nagmula mismo sa OVP ang mga dokumentong isinumite sa Commission on Audit (COA), kaya maaari umanong pag-usapan ng magkabilang panig kung alin sa kanilang records ang magkakapareho at maaaring tanggapin nang hindi na dumaan sa hiwalay na authentication.

Ipinaliwanag ni Tolosa na malaking oras ang maaaring matipid kung magkakasundo ang prosecution at depensa sa mga dokumentong gagamitin. Aniya, libo-libong records ang kabilang sa ebidensya para sa Article I, kaya maaaring humaba nang husto ang proceedings kung bawat dokumento ay isa-isang kailangang patunayan sa open court.

Samantala, nakatakdang sumailalim sa pagtatanong ng prosecution sina Gina Acosta at Edward Fajarda, na nagsilbing Special Disbursing Officers (SDO) ng OVP at Department of Education (DepEd).

Itinuturing umano silang hostile witnesses dahil posibleng hindi pabor sa panig ng prosecution ang kanilang testimonya. Gayunman, mahalaga ang kanilang pagharap sa impeachment court dahil kabilang sila sa mga personal na tumanggap ng cash mula sa confidential funds.

Layunin ng prosecution na matukoy mula sa testimonya ng dalawa kung paano pinamahalaan, ipinamahagi at ginamit ang mga pondong kanilang natanggap hanggang sa isinagawa ang liquidation.

Maaari ring gumamit ang prosecution ng leading questions sa kanilang pagtatanong, habang nasa mga senator-judge pa rin ang huling pagpapasya kung gaano kabigat ang kanilang testimonya.

Bukod sa testimonya ng mga SDO, maaari ring ikonsidera ng impeachment court ang mga bank records, liquidation documents at findings ng COA sa pagsusuri sa paggamit ng confidential funds.