-- ADVERTISEMENT --

Hindi dapat mga ordinaryong kawani lamang ang managot sa kontrobersiya sa paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds, ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.

Ayon kay Ridon, hindi maaaring basta ipasa sa mga Special Disbursing Officer (SDO) at accountant ang responsibilidad sa pagpapalabas ng pondo dahil kinakailangan pa rin ang approval at pirma ng pinuno ng ahensya bago mailabas ang pera o ma-issue ang tseke.

Sinabi rin ng prosecution na may testimonya umanong tumutukoy kay Vice President Sara Duterte bilang huling nagbigay ng pahintulot sa pagpapalabas ng confidential funds.

Kabilang sa sinusuri ang P500 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President at P112.5 milyon na inilaan sa Department of Education noong Duterte pa ang kalihim nito.

Giit ng prosecution, hindi sapat ang mga isinumiteng dokumento upang malinaw na maipaliwanag kung saan at bakit ginamit ang malaking halaga ng pondo.

Para kay Ridon, kailangang masuri ang buong proseso ng pag-apruba upang matukoy kung sino ang may aktuwal na kapangyarihan at pananagutan sa paggamit ng confidential funds, sa halip na sa mga kawani lamang ibuhos ang sisi.