Hindi bababa sa 14 katao ang nasawi matapos ang isang pinaghihinalaang suicide bombing sa labas ng himpilan ng pulisya sa Kabal area sa Swat district ng Khyber Pakhtunkhwa province, ayon sa mga awtoridad.
Kabilang sa mga nasawi ang limang pulis, walong sibilyan, at ang hinihinalang suicide bomber. Umabot naman sa 18 iba pa ang nasugatan sa malakas na pagsabog.
Nangyari ang insidente habang may isinasagawang pro-police rally sa lugar, bagama’t patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung ang naturang pagtitipon ang pangunahing target ng pag-atake.
Inako ng militanteng grupong Tehreek-e-Taliban Pakistan (TTP) ang pananagutan sa pambobomba, na muling nagbigay-diin sa nagpapatuloy na banta ng armadong ekstremismo sa bansa.
Nagpahayag ng pakikiramay si Pakistani Prime Minister Muhammad Shehbaz Sharif sa mga biktima at mahigpit na kinondena ang pag-atake. Kasabay nito, inilunsad ng pulisya ang malawakang operasyon upang matukoy at madakip ang iba pang posibleng sangkot sa insidente.
Patuloy na humaharap ang Pakistan sa serye ng mga pag-atake ng mga militanteng grupo, partikular sa mga lalawigang malapit sa hangganan ng Afghanistan, kung saan madalas na puntirya ang mga tauhan ng pulisya at militar.
Samantala, nananatiling iginiit ng pamahalaan ng Pakistan na may suporta umanong natatanggap ang ilang militanteng grupo mula sa Afghanistan—isang paratang na mariing itinatanggi ng Taliban.













