Nilinaw ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na hindi maaaring pilitin ang sinumang opisyal ng gobyerno na magbitiw sa puwesto dahil lamang sa personal nitong paniniwala hinggil sa West Philippine Sea (WPS), maliban kung may nilalabag itong batas o umiiral na regulasyon.
Ayon sa kalihim, ang kanyang naunang pahayag ay tumutukoy sa obligasyon ng mga opisyal ng pamahalaan na ipatupad at sundin ang opisyal na polisiya ng estado, na nakabatay sa Administrative Order No. 29, Series of 2012, na nagtatakda sa mga maritime area sa kanlurang bahagi ng bansa bilang bahagi ng West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni Teodoro na lahat ng kawani at opisyal ng pamahalaan ay nanumpang ipagtanggol ang Saligang Batas at sumunod sa mga batas ng Pilipinas. Kung may hindi sang-ayon sa umiiral na polisiya, sinabi niyang maaari itong kuwestiyunin sa korte at hilinging ideklarang labag sa Konstitusyon ang naturang batas o polisiya.
Gayunman, hangga’t wala pang pinal na desisyon ang hukuman, sinabi niyang nananatiling tungkulin ng mga opisyal na ipatupad ang umiiral na batas. Kung taliwas naman ito sa kanilang konsensya at hindi nila kayang suportahan ang opisyal na paninindigan ng gobyerno, sinabi ni Teodoro na ang pagbibitiw sa tungkulin ang maaari nilang piliing hakbang.
Iniuugnay ng DND chief ang usapin sa hakbang ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isulong ang extended continental shelf claim ng Pilipinas, kabilang ang mga katubigan sa paligid ng Bajo de Masinloc o Panatag Shoal, na itinuturing na bahagi ng West Philippine Sea sa ilalim ng Administrative Order No. 29.
Kasabay nito, binatikos ni Teodoro ang ilang ulat na aniya’y nagbigay ng maling interpretasyon sa kanyang naunang pahayag. Hinimok niya ang publiko na basahin ang kanyang buong pahayag upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon at mas maunawaan ang konteksto ng kanyang sinabi.













