Magbibigay ang Palasyo ng Malacañang ng tig-P100,000 na tulong pinansyal sa dalawang tauhan ng Philippine Navy na nasugatan sa insidente sa Ayungin Shoal bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at sakripisyo habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa West Philippine Sea.
Ayon sa pamahalaan, patuloy na susuportahan ang dalawang sundalo habang nagpapagaling, bagama’t hindi pa isinasapubliko ang kanilang pagkakakilanlan at ang eksaktong detalye ng kanilang mga pinsala.
Nauna nang iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang miyembro ng Philippine Navy ang nagtamo ng sugat sa ulo matapos umanong hampasin ng kahoy na baton sa gitna ng tensyonadong insidente sa Ayungin Shoal.
Samantala, nananatiling mariin ang paninindigan ng Pilipinas sa pagtatanggol sa mga karapatan at soberanya nito sa West Philippine Sea, na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Itinanggi naman ng China Coast Guard (CCG) ang alegasyon at iginiit na mga tauhan umano ng Pilipinas ang unang gumamit ng mga sagwan bilang sandata laban sa kanilang mga tauhan.













