-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si defense analyst at De La Salle University (DLSU) distinguished professor Dr. Renato de Castro sa Department of Foreign Affairs (DFA) na gawing publiko ang nilalaman ng umano’y provisional memorandum of understanding (MOU) na nabuo sa pagitan ng Pilipinas at China noong Hulyo 2024.

Ayon kay de Castro, mahalagang malaman ng publiko ang detalye ng naturang kasunduan, lalo na matapos ang panibagong tensyon sa Ayungin Shoal kung saan dalawang Pilipinong sundalo ang nasugatan kasunod ng insidente sa pagitan ng mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Navy.

Iginiit ng eksperto na kung may umiiral ngang provisional MOU gaya ng sinabi ni Chinese Ambassador Jing Quan, dapat ipaliwanag ng DFA kung ano ang saklaw at mga kondisyon ng naturang kasunduan.

Nauna nang iginiit ni Jing Quan na rumesponde ang CCG matapos umano nitong makita ang ginagawang konstruksyon sa BRP Sierra Madre na sinasabi niyang paglabag sa napagkasunduan ng Pilipinas at China.

Para kay de Castro, nakababahala ang naturang pahayag dahil maaaring magbigay ito ng impresyon na kinakailangan pang humingi ng pahintulot ng Pilipinas sa China bago magsagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal. Aniya, lumalabas din na maaaring may limitasyon sa anumang pagkukumpuni o pagpapatibay sa BRP Sierra Madre.

Dahil sa lumalalang tensyon sa West Philippine Sea, binigyang-diin ni de Castro ang kahalagahan ng transparency upang maunawaan ng publiko ang anumang umiiral na kasunduan na may kaugnayan sa soberanya at seguridad ng bansa.