Iginiit ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nagpapatuloy ang operasyon ng pamahalaan upang matunton at maaresto sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at dating presidential spokesperson Harry Roque.
Ayon kay Remulla, tuloy-tuloy ang isinasagawang manhunt operations ng mga awtoridad at gumagamit na ang mga ito ng iba’t ibang estratehiya upang mapabilis ang paghahanap kay Dela Rosa.
Huling namataang pampubliko ang senador noong Mayo 13 nang dumalo siya sa sesyon ng Senado. Ayon sa pahayag ni Remulla, madaling araw ng Mayo 14 umano siya inilabas ng Senado sa tulong ni Senator Robin Padilla.
Hinahanap si Dela Rosa kasunod ng inilabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng imbestigasyon sa madugong kampanya kontra iligal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, pinaghahanap din si Harry Roque batay sa warrant na inilabas ng korte sa Angeles City, Pampanga kaugnay ng kasong human trafficking na may kaugnayan umano sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).













