-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang magdadala ang southwest monsoon o habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa malaking bahagi ng Mindanao, Visayas, at Palawan ngayong Miyerkules, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa weather bulletin ng ahensya, makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang buong Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, at Palawan dahil sa umiiral na habagat.

Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Samantala, maaapektuhan naman ng trough o buntot ng low pressure area (LPA) ang Bicol Region at Eastern Visayas, na maaari ring makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms. Pinayuhan ang mga residente sa mga lugar na ito na maging alerto sa posibleng pagbaha at landslide.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms bunsod ng localized thunderstorms.