Binigyang-diin ni Executive Secretary Ralph Recto na layunin ng pamahalaan na sabay na mapalakas ang food security at matulungan ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng Bagong Pilipinas Rice Program.
Sa pamamahagi ng bigas sa 55,000 pamilya sa Oriental Mindoro, sinabi ni Recto na bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matiyak na walang Pilipinong magugutom. Ayon sa kanya, nasa pitong milyong pamilya na sa buong bansa ang nakinabang sa programa.
Ipinaliwanag din ni Recto na bukod sa pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na pamilya, bumibili rin ang pamahalaan ng palay mula sa mga lokal na magsasaka upang mapalakas ang kanilang kita at masuportahan ang sektor ng agrikultura.
Sa ilalim ng programang pinopondohan ng Local Government Support Fund (LGSF), tumatanggap ang bawat benepisyaryo ng tig-10 kilong bigas, habang ang mga lokal na pamahalaan ang nangangasiwa sa pamamahagi gamit ang kanilang mga database upang matiyak na ang ayuda ay napupunta sa mga kwalipikadong pamilya.
Tiniyak din ni Recto na nakahanda ang pamahalaan na dagdagan ang pondo ng LGSF kung magpapatuloy ang maayos na implementasyon ng programa sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor sa patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan, na aniya ay nakatutulong hindi lamang sa mga benepisyaryo kundi maging sa pagpapalakas ng kabuhayan ng mga magsasaka at seguridad sa pagkain sa lalawigan.













