-- ADVERTISEMENT --

Posibleng makumpleto ng Senado bago matapos ang Hulyo ang pagtalakay sa bahagi ng impeachment case na may kaugnayan sa umano’y grave threats ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Senate impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol, mas bumilis ang takbo ng paglilitis matapos bawiin ng prosekusyon ang plano nitong iharap ang anim pang testigo para sa Article 4 ng impeachment complaint.

Kapag natapos ang bahaging ito, lilipat na ang impeachment court sa pagdinig ng Article 1, na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Sa reklamong impeachment, inaakusahan si Duterte ng betrayal of public trust at graft and corruption dahil sa umano’y iregularidad sa paggamit at pagli-liquidate ng P500 milyong confidential funds ng OVP at P112.5 milyon mula sa DepEd.

Inihahanda na ng prosecution panel ang tatlong testigong inaasahang magbibigay ng kanilang testimonya sa usapin. Kabilang sa mga ito sina Marivic Pareja ng Legislative Archive Museum ng House of Representatives, dating Landbank Shaw Boulevard branch manager Violeta Constantino, at dating Landbank DepEd branch manager Leonita Camposano.

Samantala, nilinaw ni Senate President at presiding officer Chiz Escudero na uunahin munang tapusin ng prosekusyon ang presentasyon ng kanilang mga ebidensya sa lahat ng articles ng impeachment complaint bago bigyan ng pagkakataon ang depensa na iharap ang kanilang panig.