Dinala na sa isang lokal na punerarya ang siyam na bangkay ng mga nasawi sa landslide na tumama sa Sitio Fandao, Barangay Poblacion, Malapatan, Sarangani matapos isakay sa isang Philippine Air Force Black Hawk helicopter dahil sa hirap ng transportasyon mula sa bulubunduking lugar.
Batay sa pinakahuling ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)Malapatan, naging mahirap ang retrieval at paglikas sa mga biktima dahil sa maputik at delikadong daan na dulot ng patuloy na pag-ulan.
Kaya naman ginamit ang Black Hawk helicopter ng Armed Forces of the Philippines o AFP upang agad na mailipat ang mga labi sa kabayanan para sa wastong pagproseso at pagkilala ng mga pamilya.
Pinaniniwalaang pinalala ng tuloy-tuloy na pag-ulan at ng mga bitak sa lupa na naiwan ng magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo ang pagguho ng lupa sa lugar.
Patuloy namang nagsasagawa ng assessment ang mga awtoridad sa iba pang lugar na posibleng magkaroon ng landslide at inihahanda ang relokasyon ng mga residenteng nasa danger zone.













